Walang trabaho puwedeng PCSO lotto agent

Maglalaan ang pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng trabaho para sa mga nawalan ng hanapbuhay ngayong panahon ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic sa pamamagitan ng pagiging authorized lotto o Keno agent.

Ayon kay PCSO General Manager Royina Garma, handa ang PCSO na tumulong sa libu-libong Pilipino na nawalan ng hanapbuhay dahil sa COVID-19 at bukas pa rin sila sa pagbibigay ng medical assistance.

Nabatid na naglaan ang PCSO Board ng mas mababang application fee para maging lotto agent. Nasa P2,500 lamang at maaari nang maging lotto, Keno and sweepstakes agent.

Malaking sales commission ang nag-aabang para sa mga agent. Makakakuha sila ng 7.5% sales commission, habang nasa 5.0% para sa digit games at Keno; at 10.0% sa scratch card.

Bukod sa sales commission, makakakuha pa sila ng 1% para sa nanalong jackpot prize o nasa P1 milyon. (Vick Aquino)