Nanibago ang mga ­reporter na dati nang nagko-cover ng SONA ng nakalipas na mga presidente ng bansa. Pati mga motorista ay nagulat sa hindi nila inaasahang mangyari.

Walang traffic?

Kakaiba talaga ang naging tanawin sa labas ng Batasang Pambansa lalo na sa kahabaan ng Commonwealth Avenue noong ikalawang SONA ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte nitong July 24, 2017.

Hindi naglagay ng harang na container vans at barb wires na karaniwan nang ginagawa noon para pangharang sa mga nagra-rally sa tuwing may ­SONA ang mga nakalipas na pangulo.

Resulta, walang nabuwisit na mga motorista dahil naging maayos ang daloy ng trapiko sa Commonwealth Avenue sa maghapon. Nagkaroon lamang ng konting pagsisikip nang magmartsa ang mga protesters na patungo ng IBP road.

Sa pangkalahatan, na­ging matagumpay, mapayapa at maayos ang lahat. Walang nangyaring girian o komprontasyon, hindi nagkapaluan, walang nasaktan at wala ring nangyaring pag-aresto.

Dahil diyan ay gusto nating bigyan ng komendasyon si Quezon City Police District (QCPD) Director, Chief Superintendent Guillermo Lorenzo Eleazar na tumayong ground commander ng Task Group Quezon City sa ilalim ng SONA Security Task Force Kapayapaan na pinamumunuan naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde.

Hindi biro ang tungkulin na ginampanan ng pulisya dahil bukod sa mga grupong nagpoprotesta laban sa administras­yon, may puwersa rin na bumuhos sa kalsada para magpakita ng suporta kay Pangulong Duterte.

Naging malaking hamon din ang pagtu­ngo mismo ni Pangulong Duterte sa labas ng Batasan at pag-akyat sa entablado ng mga raliyista para sila ay kausapin.

Ang isa pang kakaiba at nakakapanibago sa ikalawang SONA, ang mga nagbabantay na pulis, walang batuta, walang shields at walang baril.

Ganyan ang kumpiyansang ipinakita ni General Eleazar na tiwalang ang malaking pagtitipon ay magiging mapayapa mula si­mula hanggang sa matapos.

Malaki rin umano ang naitulong ng malimit na pakikipag-ugnayan at pakikipagdayalogo ng QCPD sa mga pinuno ng mga mili­tanteng grupo kaya naman hindi na nakakapagtaka na nakuha ni General ­Eleazar ang kanilang tiwala.

Pinayagan kasi sila na mag-rally kahit malapit sa Batasan, pero sa kundis­yong, hindi sila manggugulo.

Sa pagtaya ni General Eleazar, umabot sa 11,000 ang bilang ng mga anti-­administration protesters, habang nasa anim na libo naman ang mga tagasuporta ng Pangulo na bumuhos malapit sa Batasan.

Nagpaabot din siya ng pasasalamat sa anim na libong mga miyembro ng QCPD, pati na sa iba pang police unit ng NCRPO at CALABARZON Police Regional Office, PNP National Support Units, mga ipinadalang contingent ng Armed Forces of the Philippines, MMDA, QC Department of Public Order and Safety, Bureau of Fire Protection at lahat ng ahensya na nakiisa para sa pagpapatupad ng seguridad sa SONA.

Si General Eleazar ay bukas at tapat na pinuno, at bukod sa pakikipag-usap nang maayos, nagpatibay din sa kanyang kredibilidad ang mga inilunsad niyang reporma sa hanay ng QCPD kagaya ng internal cleansing.

Hindi niya pinayagan na mamayagpag ang mga scalawag na pulis sa hanay ng QCPD kaya naman umani siya ng respeto hindi lamang sa hanay ng mga militante, kundi sa kabuuan ng mga residente sa Quezon City na kanyang pinagsisilbihan.