Pinagbawalang makapasok sa Dammam, Saudi Arabia ang ilang overseas Filipino worker (OFW) at pinabalik ng Pilipinas dahil sa coronavirus disease o COVID-19.

Ito ang inihayag ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar matapos makausap ang ilang Pinoy na pinauwi sa Pilipinas matapos hindi papasukin sa Dammam, Saudi Arabia.

Ayon kay Andanar, batay sa kuwento ng mga OFW, pinayagan umano sila ng Bureau of Immigration (BI) at binigyan ng clearance kaya nakabiyahe ang mga ito papuntang Saudi Arabia, subalit pagdating sa Dammam airport ay pinabalik umano ang mga ito.

Sinabi ni Andanar na dapat linawin ng Saudi government ang kanilang posisyon kung may umiiral na travel ban sa harap ng patuloy na banta ng COVID-19 sa iba’t ibang bansa.

Kailangan aniyang linawin ng Saudi Embassy sa Pilipinas ang kanilang patakaran para sa mga Pilipinong pumapasok sa kanilang bansa sa harap ng mainit na usapin sa COVID-19 para hindi maperwisyo ang mga manggagawang Pinoy.

“Mayroon akong nakausap na mga OFW, pinauwi sila – papunta ng Dammam, tapos pinauwi sila. Ang tanong nila, ‘bakit kami pinauwi eh binigyan naman kami ng clearance ng Immigration, nakabiyahe kami?’ Pero pagdating sa Dammam ay pinabalik sila. Pagod na pagod na raw sila. So, they just wanted to know kung ano ba ‘yung sitwasyon. Mayroon bang travel ban doon sa ­Saudi?” ani Andanar.

Nabalitaan din aniya nito na maging si Congressman Benny Abante ay hindi rin pinapasok sa Saudi Arabia, kahit na mayroon itong diplomatic passport. ­(Aileen Taliping)