Walang treyner, cut-man?

Kung totoong isa lang ang treyner ng 2 boksingero natin sa Rio Olympics, sintunado.

At idagdag pa: Wala raw cut-man sina Rogen Ladon at Charly Suarez.

Para sa sinumang boksingero, kasing-importante ng treyner ang cut-man.

Kapag naputukan ka, cut-man agad ang reremedyo sa sugat.

Maski bukol o maga sa mukha, cut-man din ang bahala.

Dahil wala nang helmet ngayon sa amatyur, hindi kataka-taka kung maputukan ang boksi­ngero.

Sa pag-alala ni Joey Romasanta, hepe ng dele­gasyon natin sa Rio Olympics, hinugot niya si Dr. Ferdinand Brawner, team doctor ng delegasyon, bilang cut-man nina Ladon at Suarez.

Parang nabunutan ng tinik si treyner Boy Velasco.

Pero kung si Velasco lang ang treyner, sinadya ba ito ni Ricky Velez, ang tsip ng boksing?

Alam naman nating di salat sa pera ang boksing dahil suportado rin ito ni MVP, ang masu­gid na patron ng sports.

Sa Olympic boxing, halos nasa 5 laban ang dapat ipanalo ng boksingero para makasakmal siya ng medalyang ginto.

Bawat laban ay may istratehiya. Kakayanin kaya lahat iyan ni Velasco?

Dasal na lang wari ang sandalan muli nina Ladon at Suarez? Bahala na ang Diyos?

Sayang naman. Sa boksing pa naman tayo may pinakamalaking tsansa.

Kayat huwag nang magtaka kung silat muli tayo sa Olympic boxing.

Sadyang mailap na nga ang ginto. Pinahirap pa natin ang pagtugis dito. Hay naku!