Jeane Lacorte
Ningas-kugon lamang ang pagwawalis sa mga fixer sa Land Transportation Office (LTO) partikular sa sangay sa may Quirino Highway, Novaliches, Quezon City.
Noong mga nakaraang araw na punahin natin ang presensiya ng mga fixer sa harapan mismo ng LTO ay nagkaroon ng operasyon ang mga kapulisan. May ilang fixer ang naaresto.
Pero ang masaklap wala pang isang linggo ay balik na naman ang mga fixer na lantarang hinihiya ang mga opisyal at tauhan ng LTO dahil tila rumarampa pa sila sa harapan ng tanggapan ng LTO.
Ang tanong, bulag ba ang mga taga-LTO at hindi mai-report ang mga fixer na nasa kanilang bisinidad? o sadya lamang silang nagbubulag-bulagan dahil kakutsaba sila ang iba rito?
Sana naman ay mawalis na ang mga fixer na ito sa bisinidad ng LTO dahil maliban sa masakit na sila sa mata ay perwisyo pa sila sa mga motorista kaya lalong nagsisikip ang daloy ng trapiko sa nasabing lugar.
****
Alam kaya ni Customs Commissioner Gen. Rey Leonardo ‘Jagger’ Guerrero ang patuloy na modus ng ilang tauhan niya sa X-ray Division sa Manila International Container Port (MICP) at Assessment Section?
Sa nasagap nating impormasyon, bukod umano sa regular na P10K tara sa X-ray at P10K sa grupo ng assessment kada container ay dumidiskarte pa ang mga ito.
Bahagi umano ng modus ng mga ito ay kapag lumagpas sa X-ray ang isang container ng broker ay maaari pa rin itong ipitin sa assessment.
Paano? Idedeklara umano ng assessment na ang kargamento ay ‘assess value’ o ‘check value’ ibig sabihin hindi pinapayagan ang broker sa binayarang buwis. Maaaring mababa ang binayaran o sadyang pandiin lamang sa mga gusto nilang hingan ng karagdagang pera bukod pa sa tara.
Bakit natin nalaman? Isa na namang broker ang dumaing sa atin sa inabot ng kanyang container ng water pump na nakapagbayad ng P250K bilang buwis sa ‘single item’ na kategorya.
Nang tangkaing bakalan ng X-ray Division ng P100K ay ‘di na pumayag si broker at hinamon ang mga taga-X-ray ng bukasan ng lata, at sa kasamaang palad walang nakitang iregularidad.
Agad namang hinabol ng assessment ang kargamento bago mailabas sa X-ray at sinabing ang P250K na binayad na buwis ay ‘undervalued’ para sa dineklarang kargamento at kailangan daw gawing P500K ang buwis.
Hanggang sa wala nang maikatwiran si broker at nagbigay na lang ng kaukulang hinihingi at nagkasaraduhan sa halagang P125K kalahati ng presyo na gustong itaas ng assessment.
Sobra na ang kagarapalan ng mga taga-BOC. Mas malaki pa ang gusto nilang maisubi kumpara sa kikitain ng gobyerno.
Dapat ay walisin na ang mga taong ito dahil panira lang sila sa malinis na serbisyong nais na ipatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa gobyerno.
Mukhang kahit anong galit at panghihiya ang abutin nila sa Pangulo ay manhid na sila kaya’t tila nagbibingi-bingihan na lang sa mga pangyayari.