Walang ligtas sa kasalukuyang manlalaro ng Washington Wizards, kabilang na ang kanilang dalawang superstar na sina John Wall at Bradley Beal.
Ayon sa source ng ESPN, babalasahin ng Wizards ang kanilang roster matapos ang masamang simula ngayong season, na sadlak sa 5-11 win-loss record.
Isa pang naging matunog na balita sa nagdaang araw ay minura umano ni John Wall ang kanilang coach na si Scott Brooks sa kasagsagan ng ensayo.
Kilala si Brooks na mahigpit sa mga praktis, at lalo ngayong nasa ibaba ng standing ang kanyang koponan, ‘di malayo na naputol ang pisi ng pasensya ni Wall dahilan upang masagot ang coach na napabalitang nasabihan ng “F*ck you.”
Matapos mahimasmasan kinabukasan, agad na humingi ng paumanhin si Wall kay Brooks maging sa kanyang mga teammate, ayon sa The Athletic.
Kahit si Beal ay nakisali na rin sa gulo matapos mapaulat naman na nakipagtalo rin sa kakamping si Austin Rivers, at nagpatama pa sa buong Wizards organization na 7 taon na umano niyang dinaranas ang magulong pamamalakad sa team.