Fouled out ang Washing­ton guard Bradley Beal 5 minutes pa at tabla ang iskor sa Game 4 kontra Toronto.

Hindi makapaniwala sa tawag, gusto nang magwala ni Beal pero nakabawi at sinabihan ang mga kakampi na mananalo sila dahil nasa laro pa si ‘John’.

Tinutukoy niya ang backcourt partner na si John Wall, rumesponde nga at nag-take over sa stretch, kundi umiiskor ay uma-assist sa 10 sa huling 14 points ng Wizards.

Resulta, itinaob ng No. 8 Wizards ang top seed Raptors 106-98 Linggo ng gabi para ibuhol ang Eastern­ Confe­rence first-round series sa tigalawang laro.

“When Brad went out, I knew I had to do whatever it took,” giit ni Wall, tumapos ng 27 points at 14 assists kasabay ng pambubulabog kay Raptors All-Star DeMar DeRozan. Balik sa Toronto ang Game 5 sa Miyerkoles.

Milwaukee 104, Boston 102

Sa iba pang laro, lumabas ang tira ng Milwaukee sa final 5 seconds, pero nangiba­baw ang mahabang galamay ni Giannis Antetokounmpo para ibalik sa basket ang bola at inagaw ng Bucks ang 104-102 panalo kontra Boston.

Paano nangyari?
Lumundag ang 6-foot-11 na si Antetokounmpo, mula sa likod ni Jayson Tatum ng Boston ay tinapik ang bolang sinablay ni Malcolm Brogdon.

“It’s a heck of a play,” bulalas ni Milwaukee coach Joe Prunty.

Sablay ang 14-footer ni Marcus Morris ng Celtics na hindi nilubayan ni Khris Middleton sabay sa pagtunog ng final buzzer.

Sa tip-in ni Anteto­kounmpo, tabla na ang first-round Eastern Conference series sa 2-2. Tumapos ang Greek Freak ng 27 points, seven rebounds at five assists.

Game 5 Martes ng gabi sa Boston. (VE)