Maliban sa mga Pulis, ambulansiya at bumbero ay dapat nang ipagbawal ang paggamit ng wang-wang at blinkers ng lahat ng mga opisyal ng gobyerno.

Bagama’t sa ilalim ng batas partikular ang Presidential decree No. 96 ay may ilang awtorisadong personalidad ang pinahihintulutan na gumamit nito sa Pangunguna ng Pangulo, Pangalawang Pangulo, pangulo ng Senado, Speaker of The House at Supreme Court chief Justice.

Sa panahon ni da­ting Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ay mahigpit na ipinagbawal ang wang-wang at ma­ging ang Pangulo ay hindi gumagamit at sumusunod sa batas trapiko.

Pero ngayon ay ang nakakainis ay ang sobrang pag-abuso sa wang-wang at blinkers na halos araw-araw ay nakakasabay ko mismo sa kahabaan ng EDSA na lalong nagpapagrabe sa problema sa trapiko.

Bukod sa mga opisyal ng gobyerno ay ang masaklap nga­yong Duterte administration ay maging ang mga negosyanteng kadikit ng Malacañang ay gumagamit ng wang-wang at blinkers na ang asta ay sila ang hari ng bansa.
Mas makakabuting ipagbawal na sa lahat ng opisyal ng gobyerno ang wang-wang at blinkers upang magsilbing modelo sa pagsunod sa batas sa trapiko at pantay na pagdanas sa problema sa trapiko sa mga lansangan.

Kahapon ay naglabas na rin ng derektiba si PNP chief Oscar Albayalde na kumpiskahin at hulihin ang mga gumagamit ng wang-wang at blin­kers.

Pero hindi malinaw ang kautusan dahil lumilitaw na ang pagbabawalan lang ay ang mga political parties at kandidato ngayong eleksiyon kaugnay ng mga motorcade ng mga kandidato na lalong nagdadagdag ng problema sa trapiko.

Pero kung lahat na ay bawal gumamit nito sa pangunguna ng mga opisyal ng gobyerno ay wala ng maglalakas ng loob ng pribadong indibidwal.

Ang marapat lang na pahintulutan ay ang mga police mobile cars, ambulansiya at fire trucks.