Nakakalungkot ang muling pagtatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Emerson Carlos dahil naghahanap rin ng pagbabago sa kalsada ang taumbayan na unang ipinangako ni Pangulong Duterte sa kanyang pagluklok sa puwesto.

Papaano ba naman tayo hindi madidismaya sa pamunuan ng MMDA eh wala tayong makitang ginhawa sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.

Kung dati-rati ay umaarangkada pa kahit paunti-unti ang mga sasakyan sa mga panahong ito ay talaga namang tila nakaparada na sa kahabaan ng Edsa ang karamihan sa mga sasakyan.

Kailan kaya masosolusyunan ang problemang ito? Alam kong malawak na ang sakit sa ulong hatid ng trapiko. Sa katunayan hindi lamang ito dinaranas sa Metro Manila kundi sa lahat na ng sulok ng bansa.

Kaya sa aking palagay ay hindi na kaya ito ng local government units lamang. Kailangan nang panghimasukan ng national government ang problema sa trapiko dahil kitang-kita naman natin na kahit sa maliliit na mga bayan ay may dinaranas na pagsisikip ng trapiko.

Sa katunayan kahit nga hindi mauunlad na bayan ay ramdam na ang pagsisikip ng trapiko at indikasyon ito na sobrang seryoso na ng problema na na­ngangailangan na ng pag-aksyon ng national government.

Dahil national go­vernment na ang scope ng problema sa trapiko, kailangan sigurong baguhin ang plano patungkol sa ibibigay na emergency powers kay Pa­ngulong Duterte. Imbes na nakatuon sa Metro Manila dapat ay saklaw na rin ng ibibigay na emergency powers ang pagresolba sa problema sa trapiko sa iba pang mga bayan at lalawigan na talaga namang maituturing mong dumaranas na rin ng monster traffic.

Tutal ay hindi pa aprubado ang panukalang emergency po­wers sana ay maisama sa gagamitan ng po­wers ang malalayong mga bayan, siyudad at probinsya na kagaya sa Metro Manila ay matindi na rin ang problema sa trapiko.

Malay natin sa pamamagitan ng ibibigay na emergency powers na dapat ay ituon lamang sa problema sa trapiko ay guminhawa kahit papaano ang ating mga kalsada at resulta nito ay magiging produktibo tayong lahat.