Ipinagdiriwang natin ngayon ang Linggo ng Banal na Awa. Pinasimulan ni Santa Faustina Kowalka ang debosyong ito para patuloy nating harapin nang may lubos na pagtitiwala sa nag-uumapaw na habag ng Panginoon ang mga pagsubok at hamon sa buhay. Diin ng Simbahan, sa kanyang Muling Pagkabuhay ipinamalas ng Diyos ang tagumpay ng awa sa kasalanan at kamatayan.
Ang Ebanghelyo ngayong Ikalawang Linggo ng Muling Pagkabuhay (Jn 20: 19-31) ay tunay na nagbibigay-aliw sa kasalukuyang krisis pangkalusugan na hinaharap ng sangkatauhan. Dalawang beses binati ni Hesus ang mga disipulo ng ‘Sumainyo ang kapayapaan’ upang pukawin ang kanilang takot at palakasin ang kanilang loob sa dala niyang kapatawaran.
Paliwanag ni Bishop Teodoro C. Bacani Jr., DD, “Jesus says ‘Shalom’ twice in order to assure them that he forgives his disciples for not living up to their word.” Ang pagdalaw ni Kristong muling nabuhay sa mga alagad ayon sa Obispo ay isang paanyaya upang magsimulang muli sapagkat sila’y iniligtas na ng Mabathalang Awa.
Saad ni Bihop Ted, “This is the way Jesus deals with us. He makes the first move to forgive and restore us to his friendship even after we have betrayed and abandoned him. He seeks us out with his message of pardon and reconciliation. He wants us to start anew. All is forgiven, if we accept his mercy.” Sadyang angkop ang mga salitang ito sa gitna ng ating pakikibaka sa coronavirus!
Matapos panibaguhin ni HesuKristo ang pakikipag-kaibigan sa mga alagad dulot ng handog na kapayapaan, ipinadala sila ng Panginoon sa iba upang ibahagi ang kapatawarang tinanggap. Ito ani Bacani ang misyon ng Simbahan sa daigdig bilang ‘komunidad na pinatawad at nagpapatawad’ – “to extend the mercy of the Father, and his Son through the power of the Holy Spirit.”
Hindi lamang aniya sa pamamagitan ng Sakramento ng Pagbabalik-loob o Kumpisal ibinabahagi ng Simbahan ang kapatawaran ng Diyos kundi sa magandang ehemplo ng mga miyembro ng iisang Katawan ni Kristo sa bawa’t isa, lalo na sa mga mahihina at makasalanan. Ang tatak ng totoong Iglesya ni Kristo ani Bishop Bacani ay ang habag at awa sa puso ng mga binyagan!
Nananatiling hamon ang pagiging alagad ng awa ng Diyos para sa mga sumasampalataya sa walang hanggang pag-ibig ng Poon. Paanyaya sa tanan ang pananatiling mga instrumento ng Kanyang awa lalo na sa mga lubos na nangangailangan at mahihina. Totoo na handa tayong humingi ng patawad ngunit hindi palaging handang magpatawad sa kapwa!
Ngayong Linggo ng Banal na Awa, taglay ang malalim na pagtitiwala sa awa ng Diyos, dumulog tayo sa Poon na lubos ang pag-ibig sa atin, buo ang loob na kasama natin si Kristo, maging sa bingit ng kamatayan. Sa ginta ng kumakalat na peste, sama-sama nating sambitin: Panginoon ng Awa, iligtas Mo kami! Diyos na mahabagin, dinggin Mo kami!