Wanted na galamay ng drug group tinumba

Isang lalaki na diumano’y miyembro ng drug group at kabilang sa high value target ang natagpuang patay na may takip ang mukha at nakatali ang mga kamay sa Gen. Trias City, Cavite kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang pinatay sa pamamagitan ng nakuha sa kanyang Taxpayer Identification Number (TIN) card na si Michael Austria, 38-anyos at nakatira sa Brgy. San Roque, Antipolo City. Sa ulat ni PSSg. Christopher Dumlao ng Gen. Trias City Police Station, dakong alas-2:40 ng madaling
araw nang matagpuan ng barangay kagawad na si Fidel Arbues Jr. ang bangkay ng biktima na nakahandusay sa isang bahagi ng NIA Road sa Brgy.

San Juan 2. Nabatid sa mga awtoridad na dati na umanong inaresto ang biktima dahil sa kasong may kinalaman sa droga o paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at may arrest warrant na inisyu ni Judge Caesar C. Buengua ng Calamba City, Laguna Regional Trial Court Branch 37.

Miyembro rin diumano ang suspek ng Sanggalang drug group at isang high value target noon pang 2016 at ika-pitong most wanted personality sa Calamba City Police Station. Naaresto rin ang suspek ng Anti-Kidnapping Group sa Laguna.

Batay sa CIRAS Generated System, isang tokhang surrenderee ang suspek sa Dasmariñas City Police Station sa Cavite. (Gene Adsuara)