Naaresto ang isang AWOL o absent without official leave na miyembro ng Philippine National Police (PNP) na wanted sa Sibilyan, Laguna sa kasong paglabag sa Iligal na droga, kamakalawa nang gabi sa Matimyas St., Sampaloc, Maynila.
Ang suspek na si Richard Pagaran Naungayan ay inaresto ng mga tauhan ni PSI Geuel P. Capuz, ng Warrant Section ng Manila Police District (MPD) sa bisa ng warrant of arrest sa kasong paglabag sa Sec. 11 Article II ng R.A 9165 na inisyu ni Siniloan Laguna, RTC Branch 33 Judge Marlyn Reyes -Agama.
Nabatid na may nagbigay ng impormasyon sa pulisya na nasa lugar ang AWOL na pulis kaya pinlano ang operasyon dakong alas-otso nang gabi kung saan ito naaresto sa 619 Matimyas St., Sampaloc, Maynila.
Nasa kustodiya na ngayon ng MPD-Police Station 4 ang suspek at nakatakdang dalhin sa court of origin sa Siniloan, Laguna.