Mismong si 2016 Rio Olympics women’s weightlifting silver me­dalist Hidilyn Diaz ang didiskubre sa susunod sa kanyang yapak sa pagdaraos ng 1st Hidilyn Diaz Weightlifting Open Championships sa July 8 at 9 sa Meralco Fitness Center Multi-Purpose Hall sa Ortigas Center, Pasig.

Pinahayag ni Diaz na pakay ng torneo na ma­ging popular ang sport sa buong bansa at palawakin ang talento sa disiplina.

“Ang mga bata po ang naging inspirasyon ko noong mga panahon na parang ayaw ko na talagang lumaban. Sila po ang naisip ko na kung aayaw na ako ay sino pa ang magiging inspirasyon nila. Sino ang susunod sa mga yapak ni Hidilyn Diaz, kaya naisip ko po na gumawa ng tournament,” esplika niya.

Papadrino sa dalawang araw na torneo ang MVP Sports Foundation, Meralco, Philippine Weightlifting Association (PWA), CrossFit Ortigas at Affiliate Alliance.

Babalangkasin ito nina Sports5 head Patrica Hizon, Jason Monteverde ng CrossFit, Tournament Director Cyrus Cruz ng UP Weightlifting Club, MVP Sports Foundation official Art Aro at PWA president Monico Puentebella.

Mula beginner hanggang advanced, male at female divisions na bukas sa lahat sa Senior at Open category gayundin ang mga dayuhan at international lifters.

Pinasasali lahat ng national athletes sa bawat kategoryang paglalabanan sa men’s division na 56kg, 62kg, 69kg, 77kg, 85kg, 95kg, 105kg at Over 105kg, sa women’s category ay 48kg, 53kg, 58kg, 63kg, 69kg, 75kg, 90kg at Over 90kg.