Mas lalo pang uminit ang banggaan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Senadora Leila de Lima at walang tumatayong ‘referee’ para pahupain ang tensyon sa pagitan ng dalawang opisyal.

Ang napakalaking tanong: Sino naman ang magla­lakas-loob mag-reperi o mamagitan kina Duterte at De Lima lalo pa’t meron kasabihang ‘ang utos ng hari, hindi nababali’  ang takot lang ng mga aawat sa bakbakang ito.

Halos araw-araw laman ng peryodiko ang pagpapalitan ng maanghang na salita sa pagitan nina Duterte at De Lima.

In fairness kay De Lima, ito’y naghihintay lamang ng mga atake mula sa Pangulo. At hindi nakakatulong ang pagsawsaw ng ilang kongresista para lamang makapagpapogi sa Palasyo.

‘Wag na natin panghimasukan ang mga personal na pag-atake ni Duterte kay De Lima at kung bakit humantong sa ganitong sitwasyon ang kanilang kuwento dahil masyadong masalimuot ang mga hugot ng Pangulo at malinaw na malalim ang pinanggagalingan nito.

Hindi kailangan ng publiko ang opinyon ng kung sinu-sinong umaastang eksperto sa Kongreso at Senado kundi ang taong magpapahupa sa tensyon.

Magkaiba man ang resulta ng nakuhang boto noong nakaraang eleksyon nina Duterte at De Lima, karapatan ng publiko ang makakuha ng matalinong opinyon.

Ang dapat gawin ngayon ng mga malalapit kina Duterte at De Lima, maghanap ng ‘common friend’ upang pahupain ang tensyon.

Malabong magkasundo ang dalawang opisyal at suntok sa buwan kung ‘bibigay’ ang Pangulo lalo pa’t kilalang macho ang image sa publiko subalit lahat ng problema may katapat na solusyon.

Hindi man literal na magkaayos ang dalawa sa ibi­nabatong akusasyon, kahit paano mabawasan ang personal attack dahil walang ibang apektado kundi ang publiko ito’y nahahati sa kung sino ang tama at kung makatuwiran ba ang pag-atake ng Pangulo sa lady solon.

Sa panig ni Duterte, hindi maaring iatras ang pagsasangkot kay De Lima sa illegal drugs at alam ng lahat kung paano sirain ang buhay ng isang tao  ito’y hindi kailangan pang ipaliwanag ng isang eksperto para maintindihan ang epekto.

At hindi rin mawari ng mga kurimaw na magkakamali si Duterte sa mga inilabas na akusasyon laban kay De Lima dahil matalino ang Pangulo at lalong hindi matatawaran ang rekord, mapa-alkalde o abogado.

Maaring pasang-awa sa law school at sakto sa pas­sing grade ang nakuha sa Bar Examination, kaya nga nanalong pangulo si Duterte dahil mahusay at kalkulado ang bawat salitang lumalabas sa bibig nito.

Kung tama ang mga impormasyon ni Duterte at hindi napalusutan sa inilabas na matrix, dapat lamang imbestigahan si De Lima dahil walang salitang maa­ring gamitin upang ilarawan ang pagkakasala kung sangkot sa illegal drugs ito.

At kung nagkamali ang Pangulo, hindi naman marahil kalabisan ang public apology kay De Lima sa national television gayundin ang lady solon kapag natuluyan sa isyung ito.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)