Wanted sa Quezon, timbog sa Olongapo

Nagwakas ang mahigit isang buwan na pagtatago sa mga alagad ng batas ng isang lalaking suspek sa pagpatay sa 17-anyos na dalagang anak ng kanyang dating live-in partner sa Atimonan, Quezon matapos na masakote ito sa Olongapo City noong Sabado.

Batay sa ulat, naaresto ng mga miyembro ng Atimonan Police ang 45-anyos na suspek na si Dario Salomeri sa pinagtataguan nito sa Brgy. Sta. Rita, sa nasabing lungsod.

Hindi na ito nakapalag sa mga awtoridad na bitbit ang warrant of arrest laban sa kanya para sa mga kasong murder at frustrated murder na inilabas ng Regional Trial Court Branch 62 sa Gumaca, Quezon.

Hindi na nakita ang suspek mula noong gabi ng Agosto 28, 2019 matapos mangyari ang pamamaslang sa biktimang si Regine Retis sa kanilang bahay sa Brgy. Caridad Ibaba, Atimonan.

Sa rekord ng pulisya, natagpuang walang anumang saplot sa katawan at tadtad ng tama ng saksak ang biktima habang nakahandusay sa banyo ng kanilang bahay matapos na ito ay pagsasaksakin umano ng suspek.

Bago tumakas, sinaksak din ng suspek sa batok ang kanyang dating live-in partner na ina ng dalaga na si Susan Retis habang nasa kanilang kapitbahay ito.

Pero nakaligtas ang ginang na itinakbo sa ospital matapos maiwan ang kutsilyo na nakatarak pa sa kanyang batok.

Nagalit umano ang suspek na magbunganga ang dalagang biktima dahil sa pag-iinuman sa kanilang bahay.

Napag-alaman na ang ina ng biktima at ang suspek ay dating magka-live in pero pareho pa rin silang nakatira sa kanilang pinag-aagawang bahay na siyang ugat umano ng krimen. (Ronilo Dagos)