Nalaglag na sa kamay ng batas ang 40-anyos na construction worker na may tatlong kaso ng rape at apat na kaso ng child abuse matapos lusubin ng awtoridad ang pinagtataguan nito sa Barangay Sampaloc, Tanay, Rizal kamakalawa.
Kinilala ni Supt. Carlito Bonita Canlas, hepe ng Tanay Municipal Police Station (MPS) ang suspek na si Christopher Solano y Pili alyas ‘Boyet’, binata at nakatira sa Mangga St., Barangay Sampaloc ng nabanggit na bayan.
Ayon kay Canlas, nadakip dakong alas-otso ng umaga ang suspek matapos na magpositibo ang impormasyon kaugnay sa pinagtataguan nito kaya ginawa ang operasyon laban sa wanted na suspek sa mismong bahay nito na nagresulta sa kanyang pagkakahuli.
Armado ng warrant of arrest, na inilabas ni Hon. Judge Sheila Marie A. Ignacio ng RTC branch-80, Morong Rizal sa kasong Qualified Rape, dinakip ng mga pulis ang nabulagang suspek na nagpapahinga sa kanyang tahanan.
Lumalabas sa ulat ng pulisya na nagtago sa iba’t ibang lugar ang suspek hanggang sa matiyempuhan nang bumalik sa kanyang bahay kamakalawa.