WANTED: SAN BEDA COACH

Naghahanap ng bagong coach ang San Beda matapos magpaalam ni Jamike Jarin sa kanyang mga bataan kahapon.

Wala pang pormal na pahayag si San Beda rector Fr. Aloysius Ma. Maranan, OSB ayon kay NCAA Management Committee chairman Jose Mari Lacson pero nakatanggap siya ng impormasyon na nagpaalam na si Jarin sa team staff at players.

“I just learned today (kahapon) he (Jarin) already said his goodbyes to the players but I’m still waiting for official word from Fr. Rector (Maranan),” wika ni Lacson.

Wala naman sinabi si Jarin kung saan siya lilipat at dahil wala ng coach ay naghahanap ng kapa­lit ang San Beda.

Lumulutang na posibleng pumalit kay Jarin sina Boyet Fernandez, Louie Alas at Jimmy Alapag.

Binitbit ni Fernandez ang Mendiola-based dribblers sa 2014 NCAA title bago umalis at nag coach sa NLEX sa PBA ng dalawang seasons.

Si Yeng Guiao na ngayon ang coach ng Road Warriors kaya bakante si Fernandez.

Kasalukuyang isa si Alas sa mga assistants ni coach Alex Compton sa Alaska at karapat-dapat din siya sa serbisyo dahil sa kanyang NCAA championship experience.

Kareretiro lang ni Alapag bilang player sa PBA kaya papasukin naman nito ang pagko-coach sa ­Lions.