War on drugs gustong ituloy

Nakahamig ng suporta kay House Speaker Pantaleon Alvarez si Senador Alan Peter Cayetano sa panawagang ibalik na ng pulisya ang giyera ­nito l­aban sa ilegal na droga.

Ito’y matapos mana­wagan ni Cayetano na buhaying muli ang “war on drugs” ng PNP.

Ani Alvarez, dapat umanong ipagpatuloy ang laban kontra droga hanggang sa mawala na nang tuluyan ang problemang ito.

Dagdag pa niya, mas may kakayahan na ang administrasyon na ituloy ang laban sapagkat alam na nila kung ano ang dapat ayusin sa kampanya.

Pareho ito sa pahayag­ na ginawa ni Sen. Caye­tano nang magsalita siya sa pagtitipon ng mga pro-Duterte supporters sa Quirino grandstand nitong Feb. 25, ika-31 anibersaryo ng People Power Revolution.

“Ako’y nakikiusap sa ating Pangulo at sa PNP na i-relaunch ninyo ang inyong anti-drug drive,” sabi ni Cayetano.

“Simula sa araw na ito February 25, araw ng ­rebolusyon at pagbabago, hindi na ito Duterte’s war on drugs, it will be the people’s war on drugs dahil po kasama tayo sa paglaban sa droga,” dagdag niya.

Ayon kay Cayetano, 60 porsyento ng problema ng bansa laban sa krimen ay may kinalaman sa ilegal na droga. Kaya hinimok niya ang Pangulo na ituloy ang sinimulan nitong pagbabago.

Noong suspendihin ang giyera sa droga, nagbalikan na naman umano sa lansangan ang mga durugista, ayon sa senador.

“Kapag bumalik ang mga pusher, kasunod na niyan ang patayan ng ino­sente,” pagpapatuloy niya.