Isang pulis sa Catanduanes ang nagbitiw sa tungkulin dahil hindi na umano niya makayanan ang pinagagawa sa kanya sa kampanya kontra ilegal na droga ng pamahalaan.
Ayon sa pulis na si PO1 Vincent Tacorda, may katibayan siya para patunayang inutusan siya ng kanyang opisyal na pumatay para makapagpakitang-gilas ang kanilang mga pinuno sa Oplan-Tokhang ng PNP.
Subalit hindi na raw niya kaya ang mga panggigipit sa kanya para pumatay ng mga isasangkot sa ilegal na droga at pagtatanim ng mga ebidensiya kaya napilitan na siyang magbitiw sa puwesto.
Mabigat ang mga alegasyong ito ng isang miyembro ng Philippine National Police (PNP) na nakabase sa Catanduanes kaya dapat itong imbestigahan.
Bagama’t may pag-aalinlangan tayo sa kahahantungan ng pasabog na ito sa giyera kontra ilegal na droga ng gobyernong Duterte lalo na’t matindi ang paniniwala ng liderato ng PNP sa kanilang galamay na nasa likod ng kampanya kontra illegal drugs, hangad pa rin naming mabigyang pansin ang alegasyong ito.
Nais natin makalkal ang mga alegasyong upang makita kung karapat-dapat pa bang pagkatiwalaan ang mga awtoridad na nagsasagawa ng giyera kontra ilegal na droga.
Masyado ring mabigat ang alegasyon ng pulis sa kanyang mga pinuno pero hindi na ito bago sa publiko.
Ganito rin ang kadalasan nating naririnig na reklamo ng iba pang miyembro ng PNP na sukang-suka sa istilo ng war on drugs.
Kaya sana maimbestigahan kung may katotohanan ang ganitong klase ng pagpapatupad ng kampanya upang matigil na dahil maling-mali ito.
Maraming kinabukasan ang nasisira dahil sa pagpapasikat lamang ng mga opisyal ng PNP upang ipakita sa publiko ang kanilang tagumpay sa giyera gayong punum-puno naman ng pagdududa ang kampanyang ito na inisyatibo ng gobyernong Duterte.
Hangad naman natin ang tagumpay ng pamahalaan sa pagsugpo sa ilegal na droga pero sana ay isakatuparan ito nang naaayon sa batas at higit sa lahat ay walang pag-abuso.
baka sakaling yun ibang mga kabaro mo tsong eh matauhan na rin. pero baka nga hindi na kasi nasanayan na rin na ipakain sa pamilya yun mga kinita sa pagpatay at mabuhay ng marangya