Isang malakas na mensahe ang dapat na mapagtanto ng mga local chief executives, opisyal ng pamahalaan at ng sino mang sangkot sa ilegal na droga ang ginawang pagsisilbi ng search warrant ng mga operatiba kay Ozamis Mayor Reynaldo Parojinog na sa kasamaang palad ay lumaban sa mga awtoridad na nauwi sa kanyang pagkasawi kasama ang 14 na iba pa.

Ayon kay Presidential Communications Ope­rations Office Secretary Martin Andanar, patunay lang ito na walang sinisino ang kampanya ng administrasyon kontra ilegal na droga.

Inihayag ni Andanar na maliit o malalaking personalidad basta’t sangkot sa ipinagbabawal na gamot, gagawin, aniya, ng pamahalaan ang nararapat na proseso para mapapanagot ang mga ito.

No sacred cows, ayon sa kalihim, ang polisiya ng Duterte administration patungkol sa kampanya nito kontra illegal drugs at ipatutupad ito nang pantay-pantay.

Dagdag ni Andanar na hindi lumalaylay ang pagtrato ng Pangulo sa mga local government officials na dawit sa illegal drugs, operator man ang mga ito o nagsisilbing protektor.