Naging madugo ang pagdiriwang ng Christmas party ng mga security officer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos mamaril sa kasagsagan ng kasayahan ang kasamahan nilang guwardiya na ikinamatay ng dalawa at pagkasugat ng dalawa pa kamakalawa sa DPWH main office sa Port Area, Maynila.

Kinilala ni PEMS. Geronimo Cadano at PCpl. Joefrey Magat, ng Manila Police District-Police Station 5 ang nasa­wing sina Ruben Roces, 63, OIC at Mark Jason dela Cruz, 36, kapwa security officer ng DPWH Main Office.

Sugatan naman ang isa pa nilang kasamahang si Eric Pantastico, security manager ng Catalina Security Agency na nakata­laga sa DPWH Main Office at isang misis na si Rachel de Guzman, 46, ng Tondo.

Arestado naman ng pulisya ang suspek na si Wilfredo Gamayon, 40, security guard rin ng DPWH Main Office at taga-Tondo.

Naganap umano ang insidente alas-9:40 ng gabi. Nagdiriwang ng kanilang Christmas party ang grupo nang bigla na lamang pinagbabaril ng suspek ang mga nabiglang biktima gamit ang kanyang service firearm.

Nabatid na idineklarang dead-on-arrival sa Manila Doctors Hospital si Dela Cruz, habang patay na rin nang idating sa Philippine General Hospital si Roces.

Inoobserbahan naman sa Gat Andres Bonifacio Medical Center sina Pantastico at De Guzman.

Inaalam ng pulisya kung may kinalaman sa kanilang trabaho ang pamamaril. (Juliet de Loza-Cudia)