War freak tinuluyan ng parak

dead-body

Hindi na umabot nang buhay sa Gat Andres Bo­nifacio Memorial Medical Center (GABMMC) ang hindi pa nakikila­lang lalaki na binaril ng mga nagrespondeng pulis Maynila makaraang ireklamo sa pagwawala, kamakalawa ng gabi sa may P. Burgos papuntang Finance Road-Taft Avenue, Ermita, Maynila.

Inilarawan ni PO3 Ricky Magpale, imbestigador ng Manila Police District-Homicide Section (MPD-HS), ang suspek na nasa edad 30-34, may taas na 5’3”, payat, naka-camouflage na short at walang damit pang-itaas.

Naganap umano ang insidente dakong alas-10:30 ng gabi sa nabanggit na lugar.

Nagpapatrulya umano sina PO2 Josue Ledesma at PO1 Reymart Cuvinat ng Lawton Police Community Precinct (PCP) nang lapitan ng ilang commuters at inireklamo ang suspek na may hawak na patalim at naghahamon ng away sa mga dumaraang tao.

Nilapitan umano ang suspek at nagpakilalang mga pulis ang dalawa. Ngunit umatake ang armadong suspek ng patalim dahilan para barilin ito ni Cuvinat.

Isinugod ng mga pulis ang suspek sa pagamutan pero hindi na ito uma­bot nang buhay.