Isang wardrobe designer na umano’y big time na tulak ng illegal drugs at apat nitong kasamahan ang naaresto ng mga tauhan ng pulisya sa buy-bust operation sa lungsod ng Valenzuela kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat ng Valenzuela City Police-Drug Enforcement Unit ay ganap na alas-2:45 ng madaling-araw nang magkasa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng nasabing himpilan kung saan target nilang masakote ang big time drug pusher na si Sonia Vitor, 45, wardrobe designer, at residente ng Molina Street, Barangay Marulas ng nasabing lungsod.

Isang police poseur buyer ang nakipagtransaksyon kay Vitor sa kahabaan ng Fatima Avenue ng nasabi ring lugar at nang magkapalitan na ng in-order na halaga ng shabu at marked money ay doon na pinosasan ang suspek.

Naaresto rin ang apat na kasama ni Vitor na sina Niño Nicanor, 37, ng Brgy. Punturin; Mary Jane Sta. Maria, 34, ng Brgy. Karuhatan; Hames Canata, 20, ng Brgy. Pinalagad; at Honey Grace Dealega, 21, ng Brgy. Marulas pawang sa nasabing lungsod.

Narekober sa mga suspek ang 18 sachet ng hinihinalang shabu, P7,000 kabilang ang marked money na ginamit ng pulisya, isang .45 caliber na baril, isang magazine ng nasabi ring modelo at mga cellular phone.