Warriors kapit-tuko sa tuktok ng West

nba-golden-state-warriors-piston

Nagtrabaho si Kevin Durant ng 25 points, si Stephen Curry ay may 24 points at 23 pa mula kay Klay Thompson at ang Golden State Warriors ay nagpasabog ng 41 puntos sa third quarter para ipagpag ang makulit na Detroit Pistons, 127-107, tungo sa ikatlong sunod na panalo, Biyernes (Manila time) sa Oakland, California.

Abante ang Warriors, 60-58 sa half, bago itinakbo ng Big 3 ang 26-12 run sa loob ng siyam na minuto ng third period. Ang P­istons ay nalimitahan sa 19 points.

Nagbaon ang Golden State ng 15-of-29 3-pointers para sa 51.7% clip at 56.2% overall mula sa field.

Tangan ngayon ng Warriors ang 34-6 slate at pinatibay pa ang kapit sa unahan ng Western Conference laban sa San Antonio Spurs na may 32-8 record.

Nanguna si Markieff Morris sa Pistons na may 21 points, kasunod si Tobias Harris (18). Nagdagdag si Reggie Jackson ng 14 para sa Detroit na natalo ng pangalawang sunod.

Sa New York, nagsanib-puwersa sina Derrick Rose at Joakim Noah, nang pangunahan ang New York Knicks para sa kinakailangang­ panalo kontra dati nilang koponang Chicago Bulls, 104-89, sa Madison Square Garden.

Si Carmelo Anthony ay nanguna sa iskoring, 23 points, pero si Rose ang nagpasimuno ng atake sa kaagahan ng laro, umiskor ng 15 ng kanyang 17 markers sa first half.

Maganda rin ang naging performance ni Noah, na may 12 points at 15 rebounds.

Sa iba pang laro, tinalo ng Dallas Mavericks ang Phoenix Suns sa NBA Global na ginanap sa Mexico City sa iskor na 113-108.

Habang wagi rin ang Houston Rockets laban sa Charlotte Hornets, 121-114. Gayundin ang Atlanta Hawks na nagtala ng 117-97 win kontra Brooklyn Nets.

Umiskor naman ng 114-106 win ang Toronto Raptors laban sa Boston Celtics.