Nong 2016 Finals kontra kay LeBron James at Cleveland Cavaliers, lamang ang Golden State 3-1 pero napakawalan ng Warriors at nakahulagpos ang pangalawang sunod na titulo sana noon.
Ngayong 2019, Warriors ang naiwan 3-1 sa Toronto Raptors.
Naigapang nila ng 106-105 panalo noong Lunes para idikit ang series 3-2. Binalik sa Oakland ang Game 6 sa Biyernes (araw sa Manila), huling laro na ng Warriors sa Oracle Arena bago lumipat sa San Francisco sa susunod na season.
Sinusubukan ng Golden State na mag-rally naman mula 1-3.
Naitawid nila ang isa, paghahandaan ang pangalawa para makapuwersa ng Game 7 sa Toronto. At makumpleto ang pagbangon sa pagdepensa para kay Durant.
Laglag-balikat na umuwi ang Warriors dahil sa posibleng season-ending Achilles injury na inabot ni Kevin Durant, sa unang pagkakataon ay naglaro sa Finals. Siyam na laro siyang wala habang nagpapagaling mula calf strain na inabot sa Game 5 ng West semis kontra Houston.
Kailangan ng Warriors si Durant sa paghahabol sa pangatlong sunod na titulo. (VE)