Warriors kumaripas sa fourth

Inatake ni Klay Thompson (11) ng Golden State ang depensa sa basket ni Tony Allen (9) ng Memphis. Nagliyab sa second half si Thompson, nagtulong sila ni Stephen Curry sa fourth quarter para ­itulak ang Warriors sa 106-94 ­panalo. (AFP)

OAKLAND, California (AP) — Inilista ni Klay Thompson ang 21 sa kanyang 31 points sa second half at kumalas ang Golden State Warriors sa fourth quarter para kalusin ang Memphis Grizzlies 106-94 nitong Linggo.

Nagdagdag si Stephen Curry ng 21 points at 11 assists, may 20 si Andre Iguodala at nagsumite si Draymond Green ng nine points, seven rebounds para ihatid ang Warriors sa pampitong sunod na panalo.

Inilayo rin ng Golden State sa 2 ½ games ang lead sa San Antonio Spurs sa karera sa top spot sa West.

Ngayong season ay dalawang beses inambus ng Memphis ang Warriors at nagtatangkang maging first team na magtutuhog ng three regular-season wins laban sa Golden State pagkatapos ng four-game sweep ng Spurs noong 2013-14.

Muntik nang magawa ito ng Grizzlies at patuloy na nakadikit hanggang fourth pero biglang nanlamig ang opensa at kumaripas ang Warriors.

Kumana ng back-to-back 3-pointers si Thompson, nagdagdag ng dalawa rin mula sa labas ng arc si Curry para ilagay sa unahan ang Golden State 99-88.

Hindi na nakarekober ang Memphis, sablay ang 15 sa 17 tira sa fourth. May 29 points si Mike Conley, umayuda ng 15 si Zach Randolph at may 13 points, eight rebounds si JaMychal Green sa Grizzlies.