WARRIORS KUMPORTABLE SA TUKTOK

SAN ANTONIO, Texas (AFP) — Tumipon si Stephen Curry ng 29 points para bitbitin ang Golden State Warriors na tumayo mula sa 22-point deficit at bigyan ng psychological blow ang San Antonio Spurs sa 110-98 road victory sa 71st NBA 2016-2017 season eliminations game Huwebes (Manila time) sa AT&T Center dito.

Nalublob ang Warriors — pwedeng sa dulo’y San Antonio ang makatuos para sa pwesto sa NBA finals kapag pinasinayaan na ang playoffs — sa malaking trobol nang itarak ng Spurs ang 29-7 first quarter lead.

 Pero nagkumplutan sina Curry at Klay Thompson sa magnificent team effort upang ibalik ang Warriors sa contention sa second quarter, nagtrabaho nang todo ang dalawa at tinapyas sa tatlo na lang ang abante ng San Antonio sa halftime.

Kakaibang istilo pa pagkaraan ang lumantad sa Warriors sa third period, napresyur ang katunggali upang mabuksan ang 84-77 advantage patungo sa final frame.

Mula roon, nakipag-ngipin-sa-ngipin na ang GSW sa lahat nang pwersang isaboy ng SAS, at mas naging agresibo para mahila sa katapusan ang kumbinsidong tagumpay.

Tampok sa kayod ni Curry ang four three-pointers, ang tally na pinantayan ni offensive partner Klay Thompson na naka-23 points.

Nagsipagposte rin sina Andre Iguodala (14) at David West (15) ng double ­figure tallies para sa Dubs, na umangat sa 61-14 upang maupo sa tuktok ng ­Western ­Conference komportableng bentahe sa San Antonio, na may 57-17.

Namuno sa iskoran sa San Antonio si Kawhi Leonard na may 19 points ­habang si Spanish star Pau Gasol naka-18 pts. Nagsipag-double figures din sina ­LaMarcus Aldridge at Danny Green.

Kuntento si reigning NBA MVP Curry sa victory na aniya’y nagpatapang sa Warriors sa papalapit na playoffs kung saan pabalik na si star Kevin Durant sa kanilang kampo.