Tinoro ng Far Eastern University Tamaraws ang University of the East Red Warriors 67-59 kahapon para hablutin ang pangalawang panalo sa giyera ng mga taga-Recto sa UAAP Season LXXIX men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum kahapon.

Sumuwag si Monbert Arong ng 16 points, may 12 puntos si Axel Inigo para isalo ang Tamaraws sa fourth place kasama ang Ateneo at host University of Sto. Tomas na may tig-2-2 records.

Galing sa masaklap na pagkatalo sa huling laro, nakontrol ng defending champion FEU ang unang dalawang quarters at umabante pa sila ng 10 puntos, 42-32.

“It’s a test of character for us,” saad ni FEU coach Nash Racela.

Isa sa naging instrumento sa panalo ng FEU si Raymar Jose na na­ngalabaw ng 22 rebounds kasama ang 11 puntos at two assists.

“We’re happy because other players stepped up.” ani Racela.

Kapit ng Tamaraws ang 55-46 bentahe sa third frame pero humigpit ang depensa ng Warriors at nagawang dumikit 62-59 may 1:26 na lang sa laro.

Huminto ang momentum ng UE matapos mapituhan si Will Bartolome ng disqualifying foul nang sikuhin nito si Ron Dennison.

Sinalpak ni Joe Trinidad ang libreng tira at nagbaon si Arong ng dalawang salaksak para selyuhan ang panalo ng Tams.

Tumipa si Mark Ola­yon ng 12 points at six boards para sa Red Warriors na bokya pa rin sa panalo matapos ang tatlong laro.