Dear Dream Catcher,

Ano po ang kahulugan ng washing machine sa panaginip?

Napanaginipan ko po kasi na kasama ko ang bunso kong kapatid na bumibili ng wa­shing machine. Sobrang laki daw ng washing machine.

Alona

Ang washing machine sa panaginip ay indikasyon na meron kang kailangang baguhin sa ipinakikita mong imahe sa ibang tao. Ito ay maari mong ikonek sa paghaha­ngad mo na baguhin ang pagkakakilala sa iyo ng mga tao sa iyong paligid.

Ang washing machine ay representasyon din ng mga personal na pagbabago na napapansin mo sa sarili mo. Ang pana­ginip tungkol sa pagbili ng washing machine ay puwede ring indikasyon na sa aktuwal na buhay ay may mga bisyo kang gusto mo nang i-give up.

Halimbawa, kung negatibo ang kasalukuyan mong image sa ibang tao, gusto mong ibangon ang sarili mo. Gusto mong mapatunayan sa lahat na hindi ka kasing nega gaya ng iniisip nila.

Ang malaking washing machine ay posibleng mensahe ng iyong subconscious na malaki o mabigat ang kailangan mong pagdaanan para magawa mo ang gusto mong paglilinis ng iyong imahe.

Ang iyong kapatid ay representasyon naman ng suportang nakukuha mo sa iyong paligid. Kung may mga plano ka na gustong ipatupad, ang iyong panaginip ay indikasyon na sapat naman ang suportang ibinibigay sa iyo ng iyong pamilya.

Sa kabuuan, wala namang negatibong kahulugan ang iyong panaginip. Sa halip, ito ay nagbibigay ng mensahe na anumang pagbabago ang gusto mong gawin ay makakayanan mo sa tulong ng mga taong tunay na nagmamalasakit sa iyo.

Dream Catcher

***

DISCLAIMER­: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang espiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.