Waste-free Undas

julius-segoviaTaon-taon na lang, tone-toneladang basura ang nahahakot sa mga sementeryo pagkatapos ng paggunita sa Undas.

Kung minsan, nagmimistulang ‘dumpsites’ na ang mga sementeryo sa dami ng iniwang basura ng mga bumibisita sa puntod ng mga mahal nila sa buhay. Naiiwang nakatiwangwang sa sementeryo ang mga styro, plastic bottle, cigarette filter at kung ano-ano pang pinagkainan. Dagdag pa riyan ang sandamakmak na tarpaulin at leaflet ng mga kandidato para sa 2019 elections.

Kaya kahit parang sirang plaka na, hindi pa rin nagsasawa ang zero-waste advocacy group na EcoWaste Coa­lition na umapela sa publiko na igalang ang mga yumao sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan ng mga sementeryo.

Ang tema ng pana­wagan nila ngayong taon, “Igalang ang mga patay. Igalang ang kalikasan.” Iginiit ng grupo ang Republic Act 9003 o ‘Ecological So­lid Waste Management Act’ na nagbabawal sa pagkakalat, pagtatapon at pagsisiga ng mga basura sa loob at labas ng sementeryo.

Nanawagan din ang grupo sa mga kandidato na imbes na mamigay ng leaflets sa mga taong bibisita sa puntod ng mga yumao, magtalaga na lang ng mga volunteer na tutulong para mapanatiling ‘litter-free’ ang mga sementeryo.

Ilan sa mga paalala ng grupo:
– Magdala ng sari­ling water container para hindi na bumili ng bottled water.
– Sapat na pagkain lang ang dalhin sa sementeryo para maiwasan ang food was­tage.
– Gumamit ng reu­sable at hindi dispo­sable cups, plates at utensils.
– Imbes na plastic bags, bayong ang gamitin.
– Huwag magtapon ng tirang pagkain o anumang kalat kung saan-saan.
– Panatilihing mali­nis ang mga urinal o CR bilang respeto sa iba pang gagamit nito.
– Huwag ding manigarilyo sa mga semen­teryo.
– Magsindi lang ng clean-burning candles at iwasan itong ilagay sa plastic holders.
– Iwasang ibalot sa plastic ang dalang fresh flowers para hindi masayang.
Ang sa akin lang, igalang natin ang mga sementeryo dahil ‘yan ang nagsisilbing taha­nan ng mga yumao na­ting mahal sa buhay.