Hindi maikakaila na tuwing panahon ng tag-init ay tumataas ang konsumo ng tubig. Sa heat index forecast na pumapalo mula 37.9 hanggang 40 degrees Celsius sa kalakhang Maynila, inaasahang tataas pa ang konsumo ng tubig – sa mga kabahayan at establisimyento – dahil na rin sa paghahanap natin ng mga paraan, maging sa inuming tubig o sa pagpuno ng mga swimming pool, upang maibsan ang mainit ng panahon.

Sa kabila ng pangamba ng nakararami na maaa­ring magdulot ng water shortage ang patuloy na pagtaas sa konsumo ng tubig, tiniyak ng East Zone water concessionaire Manila Water na walang dapat ika­bahala ang kanilang customers dahil sapat ang suplay ng tubig ngayong tag-init.

Ayon sa kumpanya, wala silang nakikitang isyu sa suplay ng tubig ngayong tag-init. Katunayan, ang projected level sa Angat Dam ngayong katapusan ng Abril ay nasa 194 meters (above sea level), mas mataas sa parehong buwan noong nagdaang taon, na nasa 191.6 meters lamang.

Gayunpaman, nagpaalala pa rin ang Manila Water sa publiko na bantayan ng mga customer and paggamit nila ng tubig lalo pa’t maaari pa rin magbago ang outlook ng suplay kung tumagal pa ng ilang buwan ang tag-init o matagalan ang simula ng tag-ulan.

Importante umano ang wasto at responsableng paggamit ng tubig upang maiwasan ang pag-aaksaya at upang mapanatili ang lebel ng Angat Dam na sapat sa suplay ng tubig na kailangan ng customers sa East Zone.

Nagbigay din ng ilang tips ang kumpanya upang masiguro ang wastong paggamit ng tubig:

*Siguraduhing nakasarado ang mga gripo pagkatapos gamitin.

*Ugaliing suriin kung may mga tagas at agad itong ipakumpuni.

*Kung maglalaba, unahin ang mga pinakamaru­ming damit upang mabilis na matanggal ang dumi. Gumamit ng palanggana na may tamang dami ng tubig at huwag hayaang umapaw ang tubig sa palanggana.

*Kung maglalaba naman gamit ang washing machine, gumamit lamang ng sapat na dami ng detergent upang hindi maaksaya ang tubig na gagamitin para sa pagbabanlaw.

*Gumamit ng timba at tabo sa halip na shower tuwing naliligo.

*Isarado ang gripo kapag nagsisipilyo at gumamit ng baso sa pagmumumog.

*Gumamit ng pa­langgana tuwing maghuhugas ng plato o maghuhugas ng mga prutas at gulay.

*Iwasang tunawin ang frozen food gamit ang tubig sa gripo. Sa halip, ilabas sa refrigerator ang frozen food at hayaan itong matunaw muna bago magsimula sa pagluluto.

*Magdilig ng halaman sa umaga o hapon. Mas epektibo ito kumpara sa pagdilig ng tanghaling tapat kung kelan mataas ang sikat ng araw.

*Kung maglilinis ng kotse, gumamit na lamang ng timba at basahan sa halip na water hose at sponge upang makatipid sa tubig.