Nagpahayag ng pagkabahala si dating Political Adviser Atty. Francis Tolentino ukol sa lumalalang kakulangan ng suplay ng tubig sa maraming lugar sa bansa.
Sa isang pag-aaral na pinondohan ng US Agency for International Development o USAID, tinatayang ang mga pangunahing lungsod sa bansa ay magkakarooon ng krisis sa tubig pagsapit ng 2025.
Ayon kay Tolentino, nararapat lamang na ngayon pa lamang ay simulan na ng mga mamamayan ang pangangalaga at pagprotekta sa ating mga pinagkukunan ng tubig upang makasiguro ng kasapatan ng suplay sa mga darating pang panahon.
“Hindi na makasabay ang kakayanan ng mga water resources natin na makapagbigay ng tubig sa lumalaking pangangailangan ng industriya at ng populasyon. Ang kinakaharap din nating hamon ng climate change ay nakadaragdag sa ating kakulangan sa tubig,” dagdag ni Tolentino.
Iminumungkahi ni Tolentino na mas palakasin pa ang kampanya ukol sa kahalagahan ng tama at matalinong paggamit ng tubig sa mga industriya at maging sa mga sambahayan.
Ang mas malalim na pag-unawa ng mga mamamayan ukol sa kahalagahan ng tubig sa kanilang kalusugan at pag-unlad ng pamumuhay at ang kanilang pakikisangkot sa mga hakbangin upang mapangalagaan ang ating mga water resources ay may malaking maiaambag sa ating pagtugon sa nagbabadyang krisis sa tubig.
Sinabi pa ni Tolentino, isinusulong niya ang pagtatatag ng isang hiwalay na Department of Water Resources and Management na tututok sa pangangasiwa, pangangalaga at pagpaparami ng ating mga pinagkukunan ng tubig sa bansa.
Lubhang mahalaga rin ani Tolentino na magkaroon ng karagdagan pang mga batas at polisiya ang ating pamahalaan liban sa RA 9275 o mas kilala bilang Philippine Clean Water Act of 2004 na magiging daan upang mapaghandaan at masolusyunan ang sinasabing krisis sa tubig sa hinaharap.