Matapos ang ilang araw na pagkawala ng supply ng tubig sa ilang bahagi ng Metro Manila ay marahil makakaligo na nang maayos ang mga apektadong mamamayan matapos atasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na gawan ng paraan ang problema.
May kaakibat kasing banta ang direktiba ng Pangulo na personal niyang pupuntahan ang mga opisyal na nangangasiwa sa distribusyon ng supply ng tubig para panagutin ang mga ito.
Nagtakda ang Pangulo na dapat alas-dose ng tanghali ng March 15 ay magpalabas ng tubig sa Angat Dam para maihatid ang supisyenteng supply ng tubig sa mga apektadong taga-Metro Manila.
Hindi naman binigo ang publiko dahil wala pang isang oras ay may tumutulong tubig na sa mga gripo ng mga residente.
Bagama’t walang katiyakan kung magtuloy-tuloy na ito, ang sigurado ay ang gagawing imbestigasyon sa water concessionaire na Manila Water Company at MWSS kung bakit umabot sa puntong magkasya na lang muna sa punas-punas at wisik-wisik ang customers ng mga water company.
Nauna rito ay nagduda ang ilang miyembro ng gabinete ni Pangulong Duterte kung bakit kinapos sa supply ng tubig gayong maayos naman ang tubig sa Angat Dam, at dito lumutang ang posibilidad na nagpaparamdam ang isang malaking negosyante sa bansa.
Hindi kasi inaalis ang posibilidad na nasaktan ang negosyante dahil sa naging aksiyon ng gobyerno nang ipaputol ang pondong tinatanggap ng tatlong organisasyon mula sa European Union (EU) dahil nagagamit ang pondo para siraan ang administrasyon.
Ang isa sa tatlong organisasyon na naputuluan ng pondo ay may kuneksiyon umano sa kompanya ng mayamang negosyante at kung ano man ang motibo nito ay ang taumbayan ang nagdusa.
Nakapagtataka naman kasing bigla-bigla na lamang kakapusin sa supply ng tubig ang water concessionaire gayong wala namang problema kahit parating na ang tagtuyot.
Pag-ukulan din ng pansin ang sistema sa paghahatid ng mga anunsiyo at huwag lang magkasya sa paggamit ng social media dahil hindi lahat ng Pinoy ay nakakasabay sa teknolohiya.
Marami pa ring Pinoy ang mas gusto sa tradisyunal na pamamaraan gaya ng patalastas sa radyo at telebisyon sa halip na Twitter at Facebook. Hindi “tekki” sina lola, lolo at tiyang.
Taon-taong nakakaranas ng tagtuyot sa bansa kaya dapat alam na ng mga kompanya ng tubig kung ano ang dapat gawin lalo na sa panahon ng tag-init gaya ng pag-upgrade siguro ng mga kagamitan at patuloy na pag-iisip ng innovation para sa mas mahusay na serbisyo sa mga Pilipino.
***
Para nga pala sa taong nag-aabang kung ano ang susunod na kolum ko, ituloy mo lang ang pag-aabang dahil malay mo baka pansinin na kita.