Tukoy na ni head coach Sammy Acaylar ang kahinaan ng Philippine national men’s volleyball team pagkatapos ng apat na tune-up matches sa Suwon City, South Korea.
Sa two-week training camp sa Korea, hahasain ni Acaylar ang team chemistry ng nationals sa loob at labas ng court.
Gayunman, aminado ang coach na marami pang dapat i-improve ang team bago maging medal contender sa 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia sa August 19-31.
“I’m happy that we are able to identify and address our weakness in service receive, blocking and floor coverage,” puna ni Acaylar.
Tatlong sets ang naipanalo ng nationals sa tune-up games kontra Korean U19 team, Korean Universiade U23 squad at club team Hwasung City.
Ang PHL team, sa pangunguna nina team captain John Vic De Guzman, top setter Geuel Asia, power hitter Mark Alfafara at Bryan Bagunas ay ipinadala ng Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc. (LVPI) para magsanay sa Korea sa pakikipagtulungan ng FIVB at AVC council member Ramon ‘Tats’ Suzara.
Limang tune-up games pa ang sasalangan ng Filipinos bago bumalik sa bansa sa Aug. 3.