Dear Sir:

Tama si Ana Marie Pamintuan isang kolumnista, na sa ating bansa ang hustisya ay ‘weather-weather lang’ na pinasikat ni dating Pangulong Erap.

Ang mga dating Pa­ngulo na sina Erap at Gloria Macapagal-Arroyo ay nakulong sa mga akusasyong ibinibintang sa kanila ng mga nakaupong administrasyon.

Pero muli silang bumangon. Si Erap ngayon ay alkalde na ng Maynila. Si Gloria naman ay nasa pangalawang termino bilang Pampanga congresswoman.

Ngayon, na pawalang-sala si Janet Lim-Napoles sa kanyang kasong ‘illegal detention’. May bulung-bulongan na maaring maging star witness si Napoles sa Priority Deve­lopment Assistance Fund or PDAF Scam sa panahon ng dating administrasyong Aquino.

Muling uungkatin ang kasong ito upang mas lalong makilala ng sambayanang Pilipino ang iba pang sangkot sa PDAF Scam.

Hindi kasi kapani-paniwala na tanging sina Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla ang siyang nakinabang lamang sa PDAF Scam.

Tanging si Napoles lamang ang susi sa kasong ito. Na siya namang threat sa kanyang buhay ngayon. Kaya bibigyan siya ng seguridad ng administrasyong Duterte.

Maaaring ang pagkakamali noon ay maaa­ring tama ngayon. Kaya ‘weather-weather’ lang ‘yan.

Luisito A. Crisostomo

Palanan, Makati City

***

Turismo nadadamay sa gawain ng terorista

Dear Sir:

Ang Pilipinas ay kilala sa mga destinasyon ng magagandang tanawin na patok at umaakit sa mga dayuhan.

Isa ito sa mga nagiging sandalan ng mga maralitang Pilipino na namumuhay sa mga lugar na malayo sa siyudad. Ngayon ay apektado ang ating tu­rismo dahil sa inilabas na travel advisory ng ilang bansa partikular ang Estados Unidos.

Ito ay bunsod pa rin ng banta sa seguridad dahil sa mga aktibidad ng mga terorista, maging ng balitang pag-amin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na napasok na ng ilang miyembro ng ISIS ang Pilipinas.

Sa madaling salita, isa ito sa kabuhayan ng mga Pilipino na nadadamay sa mga aktibidad ng mga terorista.

Mabuksan sana ang kaisipan ng ating mga kapatid na kumakalaban sa gobyerno na mara­ming inosenteng sibilyan at maralitang Pilipino ang nadadamay sa mga gulo na nagaganap at insurhensiya na siyang patuloy na sumisira sa kinabukasan ng maraming pamilya.

Walang maidudulot na mabuti ang komunistang kaisipan at teroristang gawain sa pamilyang Pilipino.

Ivan R. Abella

San Pedro, Laguna