‘Weekend Markets’ binuksan sa Taguig

Nabigyan ng pagkakataon ang mga ambulant vendor na unang inalis sa mga kalsada na makapagtinda o makapaghanapbuhay muli sa pamamagitan ng inilunsad na “Weekend Markets” sa Taguig City, kamakalawa ng gabi.

Layunin ng lokal na pamahalaan na mabigyan ng mas maraming oportunidad sa pangkabuha­yan ang mga residente, iangat ang turismo at mas ­ligtas na lansangan sa lungsod.

Dinumog naman ng mamimili ang mga produktong ibibenta sa binuksang Flea Market Bazaar at ng Farmers and Wet Markets sa Mercado del Lago at Veterans Road sa Western Bicutan sa Taguig City.

Ang nasabing inisyatibo ay mahalagang hakbang ng Mobility Plan ng Taguig City nang um­pisahan ng lokal na pamahalaan ang pagtatanggal ng lahat ng uri ng sagabal o obstruction sa mga kalsada kabilang rito ang mga apektadong mga negosyante.

Batid ni Taguig City Mayor Lino Cayetano, na ang mga apektadong negosyante ay may sinusuportahang mga pamilya kaya aktibong humanap siya ng mga paraan upang kumita ang mga ito ng hindi sila nakakasagabal sa mga kalsada.

Samantala, bilang bahagi ng plano ng Taguig ang zero waste, mahigpit na ipinagbabawal sa mga lugar rito ang single-use plastic kaya pinapayuhan ang mga mamimili na magdala ng sariling recyclable bag. (Armida Rico)