By Orlan Linde
Muntik nang paglamayan ang isang welder na papunta sana sa lamay ng pumanaw na kapitbahay matapos pagtripang saksakin ng isang construction worker sa Navotas City kamakalawa nang gabi.
Nakaratay sa Tondo Medical Center ang biktimang si Arnold Gregorio, 43-anyos, may-asawa at nakatira sa Brgy. Daang Hari ng nabanggit na lungsod.
Nagtamo ito ng mga sugat sa dibdib matapos saksakin ng suspek na si Marzan Soriano, 30-anyos, residente rin sa nasabing barangay.
Nangyari ang krimen dakong alas-10:30 nang gabi habang naglalakad sa kahabaan ng Tulay 8 sa Brgy. Daang Hari ang biktima para makipaglamay sa namatay na kapitbahay.
Hinarang siya ng lasing na si Soriano na may hawak na basag na bote ng alak at tinanong kung saan pupunta.
Makaraang sabihin na makikipaglamay sa patay at dito na siya pinagsasaksak ng suspek.
Kahit duguan ay nakatakbo si Gregorio at tinulungan siyang dalhin sa nasabing pagamutan ng kanyang mga kalugar.
Naaresto naman ang suspek ng mga rumespondeng pulis at kinasuhan ng frustrated homicide.