Isa-isang inikutan ng mga pulis na may mga dalang truncheons ang mga nagproprotestang manggagawa ng NutriAsia ng mga Campos sa harap ng munisipyo ng Cabuyao, Laguna kahapon, kasama ang mga hindi unipormadong tauhan na gumiba sa picket line ng mga manggagawa.
Ang mga pulis pa ang nag-escort sa trak na walang plaka na siyang ginamit panghakot ng mga kagamitan ng mga manggagawa tulad ng telon na ginagamit nilang silong laban sa ulan at araw at mga effigy ng UFC at ng iba pang mga NutriAsia products.
Inutusan na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang NutriAsia noong nakaraang taon na iregular ang mga manggagawa nito na hindi pa rin ginagawa hanggang ngayon. Nagwelga ang mga manggagawa ng Nutria Asia sa Cabuyao, Laguna noong Hulyo 6, 2019, mahigit isang taon nang nagwewelga ang kanilang mga kasamahan sa NutriAsia Marilao, Bulacan.
Inirereklamo ng mga manggagawa ang pag-e-endo ng NutriAsia, iligal na pagkakaltas sa kanilang mga suweldo, sapilitang pag-o-overtime, kulang na bayad sa overtime, at pananakot at pag-iimbento ng mga kaso laban sa mga miyembro ng union.
Nu’ng Hulyo 6 nang nagwelga ang mga manggagawa sa NutriAsia-Cabuyao, sinugod sila ng mga sekyu ng kompanya at umano’y mga bayarang goons na may dala pang bulldozer para buwagin ang hanay ng mga manggagawa. Noon ay inaresto ng pulis-Laguna na pinamumunuan ni Colonel Eleazar Mata at PNP Cabuyao OIC Zeric Soriano ang 17 nagwewelgang mga manggagawa ng NutriAsia.
(Eileen Mencias)