West PH Sea sinira! China pasukahin ng P200B – Hontiveros

Binuweltahan ni Senador Risa Hontiveros ang Chinese embassy sa Maynila matapos na sabihing iresponsable umano ang hinihingi ng mambabatas na pagbayarin ang China sa panghihimasok nito sa West Philippine Sea.

Sabi ni Hontiveros, mas iresponsable ang ginagawa ng China na patuloy ang panghihimasok sa pagmamay-aring lupa ng Pilipinas sa kabila ng nararanasang krisis sa COVID-19.

“It is more absurd and irresponsible to see that, indeed, in the middle of a global pandemic, China has continued to aggressively violate Philippine sovereignty in the region,” ani Hontiveros.

Nanindigan ang senador sa kanyang iginigiit na pagbayarin ang China ng P200 bilyon bilang danyos sa pagpapaayos sa West Philippine Sea.

“My previous statement stands: China must pay at least 200 billion pesos in reparations for the damages it has caused in the reef ecosystems for the past 6 years in the West Philippine Sea,” aniya pa.

Noong Miyerkoles ay naghain ng diplomatic protest ang pamahalaan ng Pilipinas dahil sa pagdeklara ng China bilang distrito ng Hainan province ang lupa na parte ng Spratly Island.

Giniit naman ng Chinese embassy na tinutulungan nila ang Pilipinas sa paglaban sa COVID-19 pandemic, at sinabi pang magkaibigan umano ang dalawang bansa.

Subalit binanatan naman ito ni Hontiveros at sinabing hindi sinasakop ng isang bansa ang tinuturing nitong kaibigan.
“Friends help each other out, not occupy their islands and destroy their reefs,” giit ni Hontiveros. (Ray Mark Patriarca)