Aalis ng bansa si Woman Grandmaster Janelle Mae Frayna bukas nang gabi upang makipagsapalaran sa Europe para makasilo ng men’s GM title.

Lalahok si 22-year-old Frayna sa anim na tournament, tatlong event sa Spain — 41 Open International Barbera del Valles 2018 na magsisimula sa Hulyo 4 hanggang 12 sa Barbera del Valles, XX Obert Internacional Sant Marti (July 13-21) sa Barcelona at 44 Open Internacional de Sitges, (July 22-29) sa Sitges.

Pagkatapos ay susulong si former Far Eastern University star woodpusher Frayna ng piyesa sa 22nd Hogeschool Zeeland tournament, (Aug. 4-11) sa Vlissingen, Netherlands, Bruges Masters 2018, (Aug, 12-16) sa Bruges, Belgium at tutungo siya sa Kuala Lumpur, Malaysia para sumabak sa Malaysian Open, (Aug, 19-27).

Suportado nina Philippine STAR president at CEO Miguel Belmonte, Philippine Sports Commission at Far Eastern University chairman Aurelio Montinola III ang kampanya ni Frayna, pagbalik niya sa Manila sasali siya sa training camp kasama ang national men’s at women’s team na makiki­pagtagisan ng isip sa 43rd World Chess Olympiad sa darating na Setyembre 23 hanggang Oktubre 6 sa Batumi, Georgia.

“The goal is to become a men’s GM and reach the 2500 rating mark, which will catapult her (Frayna) to the top 20 in the women’s world rankings,” saad ni GM Jayson Gonzales, tumatayong coach ni Frayna. (Elech Dawa)