Naging usap-usapan ang nakitang white lady na nakaangkas sa motorsiklong sina­sakyan ng dalawang lalaki na umano’y ­na­ging sanhi ng pagkamatay ng isa sa kanila matapos mabangga ang sinasakyang motorsiklo kamakailan sa San Rafael, Bulacan.

Nabatid na nahagip sa CCTV na nakaangkas sa motorsiklo ng magkaibigang sina Arjay Abarte, 18; at John Narvie Luz, ang imahe ng isang “white lady” bago sumalpok sa ilaw ng poste sa pakurbang daan ng Barangay Caingin.

Sa kuwento ni Narvie, magkaangkas sila ng kaibigan matapos manggaling sa isang inuman nang pagsapit sa naturang lugar ay gumewang ang motorsiklo hanggang bumangga sa poste ng ilaw na ikinasawi ni Abarte.

Nangyari umano ang insidente noong Pebrero 10 kung saan maingat si Arjay at naka-concentrate sa pagmo-motor nang sila’y sumalpok.

Nag-imbestiga naman ang ama ni Arjay na si Belden Balansag at nang i-review ang kuha sa CCTV ay dito niya nakita ang nakaangkas na imahe ng white lady.

Sa impormasyon namang nakuha kay Romeo Luz, lolo ni Narvie, paglipat pa lang niya sa San Rafael noong 1997 ay madalas na raw siyang makakita ng white lady sa lugar.

Sinabi naman ni Kagawad Rolando Bautista na madalas daw talagang magpakita sa kurbada ang white lady.