White sand beach sa Cagayan sasagipin

Magkatuwang na isasalba ng Department of Environment and Natural ­Resources (DENR) at Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) ang Nangaramoan Beach na matatagpuan sa Cagayan Valley.

Ito ang napagkasunduan sa Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan nina DENR Secretary Roy Cimatu at CEZA Administrator at Chief Executive Officer Raul Lambino na ginanap sa DENR Central Office sa Quezon City.

Ang Nangaramoan Beach ay matatagpuan sa bayan ng Santa Ana at sakop ng Cagayan Special Economic Zone and Freeport na pinamamahalaan ng CEZA.
Kilala ang Nangaramoan Beach dahil sa pagkakaroon nito ng mali­nis na tubig at pinong buhangin na maaaring maikumpara sa Boracay Island.

Noong Oktubre 2017 ay ipinasara ng CEZA, sa pakikipagtulungan ng DENR at lokal na pamahalaan ng Santa Ana, ang 500-meter long white sand beach dahil sa hindi pagtupad ng mga resort owner dito sa mga environmental regulation at sanitation standard.

Nakapaloob sa MOA na tutulungan ng DENR ang CEZA sa pagbuo ng ­Nangaramoan Comprehensive Area Development and Management Plan. (Riz Dominguez)