Hindi pa lusot ang mga opisyal ng Energy Regulatory Commission (ERC) na nasasangkot sa diumano’y “midnight deal” na may kinalaman sa multi-trillion peso na kontrata para sa power ng kuryente.

Ito ay kasunod ng inilabas na joint panel report ng House Committee on Energy at House Committee on Good Government and Public Accountability na nagrerekomenda na kagyat na bigyan ng resolusyon ang power­ supply agreement (PSA) application ng pitong generation firm na diumano’y konektado o sister company ng Manila Electric Company (Meralco).

Ang inilabas na committee report ay kaugnay sa House Resolution (HR) No. 1161 na inihain ni House Mino­rity Leader at Quezon Rep. Danilo Suarez.

Binatikos ng grupo ng United Filipino Consumers and Commuters (UFCC) sa pangunguna ng consumer rights activist na si Rodolfo “RJ” Javellana ang joint pa­nel bunsod ng inilabas na report.

“It whitewashed the congressional investigation,” ayon kay Javellana.

Ang joint congressional probe ay pumupuntiryang matukoy kung nagkaroon ng salto at pagkukulang sa panig ng ERC officials bunsod ng diumano’y sinasad­yang pag-antala ng competitive selection process (CSP) para diumano’y mapaboran ang partisipasyon ng mga sister company ng Meralco.

“We are still prepa­ring our report consi­dering there are two resolutions filed re: ERC,” paliwanag ni Surigao del Sur Rep. Johnny Ty-Pimentel, chairman ng good go­vernment committee.

Nangangahulugan ito ng paniniyak na maglalabas ng isa pang report ang komite ni Pimentel at sa pagkakataong ito ay para mabigyan naman ng katugunan ang mga usapin na inilutang ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na nagpapaimbestiga sa mga opisyal ng ERC patungkol sa diumano’y delay na competitive selection process.

Pinangangambahan na magkaroon ng whitewash ang joint committee report na inilabas noong nakaraang linggo ng komite ni Pimentel at ni House Committee on Energy chairman at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

“The House committees must release the recommendation concerning the responsibilities of ERC commissioners in the deliberate delay of the CSP,” ayon pa kay Javellana.

“Hindi dapat makalusot sa liability­ ang apat na opisyal ng ERC. Mabigat ang ebidensiya ng pakikipagsabwatan nila sa Meralco,” dagdag pa ni Javellana.

Hindi pa umano binanggit sa report ang iba pang nadiskubreng impormasyon ng mga komite sa isinagawang imbestigasyon sa Meralco deals.

Kabilang na rito ang mga detalye sa resolution ni Zarate na nagsasaad na ang presyo sa PSAs ay hindi papalo sa P3.67 per kilowatt kundi sa mas mataas na P5.12/kwh.
Lumilitaw rin sa presentasyon ni Zarate na sa 20 hanggang 21 taon implementasyon ng PSA ay aabot sa P3.19 trilyon ang ipapatong sa consumers.

Matatandaan na inakusahan ni Zarate ang ERC officials na pinayagan diumano ang mga sister company ng Meralco na humabol sa “last minute” na aplikasyon para sa PSAs.

Ini-award din umano ang distribution uti­lity ng walang bidding sa pitong generation companies kung saan anim sa mga ito ang sister companies o konektado sa Meralco.