Kapwa nagpaalala ang World Health Organization (WHO) at mga negosyante na pag-isipang mabuti ng pamahalaan ang situwasyon ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) bago ikonsidera ang pagbawi ng total lockdown sa buong Luzon.
Ayon kay Takeshi Kasai, regional director ng WHO sa Western Pacific, katulad ng masusing pag-aaral ng pamahalaan bago ipinatupad ang enhanced community quarantine, nararapat din na pag-isipan nitong mabuti ang mga implikasyon bago bawiin ang lockdown.
Aniya, darating talaga sa punto na kailangang magpasya ang pamahalaan kung aalisin na ang lockdown sa Luzon subalit dapat ikonsidera rin ang magiging epekto nito sa kasalukuyang kondisyon ng COVID-19 pandemic sa bansa kung kaya’t kailangang hinay-hinay lang umano sa pagpapasya.
Para naman maging epektibo talaga ang pinatupad na enhanced community quarantine, sinabi ni Kasai dapat patuloy ang contact tracing, pag-isolate sa mga tinaman ng virus at paggamot sa mga nagpositibo sa COVID-19. Dagdag pa nito na dapat i-quarantine ang mga taong nakasalamuha ng mga nagpositibo sa virus na posibleng nahawaan din nila.
Samantala, ipinahayag naman ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez na nagbabala ang business community sa “total lifting” ng enhanced community quarantine sa Luzon.
Sa ginanap na Laging Handa Public Briefing nitong Miyerkoles, sinabi ng kalihim na inihayag ng mga negosyante ang kanilang concern sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) hinggil sa pagbawi ng lockdown.
Kasabay nito, sinabi ni Lopez na sakali namang magpasya na ipatupad ang “partial lockdown” ay magkakaroon ng mga bagong panuntunan sa gitna na rin ng banta ng COVID-19.
Sa partial lockdown ay papayagang bumalik sa kanilang trabaho ang mga manggagawa sa mga pabrika at iba pang establisimiyento na nagkakaloob ng mga batayang serbisyo sa publiko.
“Magkakaroon tayo ng new norm, new culture pag nagbalikan sa trabaho. Social distancing, mga mass gathering hindi pa dapat asahan na mababalik. Gradual muna, importante mabalik ang mga negosyo na kailangan na magtuloy,” sabi ni Lopez.