NATRANGKASO kamakailan si Willie Revillame. Isang klase ng pagkalabit ‘yun sa kanya na tao lang siya at hindi si Superman. Ibang klase kasing magtrabaho si Willie, walang kapantay ang dedikasyon niya sa trabaho, hanggang kaya pa niyang mag-host ay tinitiis lang niya ang pananakit ng kanyang katawan.

​Naging sobrang abala siya nitong mga nakaraang linggo sa pag-aasikaso sa Wil Tower. Ang tatlong palapag ay tatawagin nang Wil Tower Suites, ginawa na niyang hotel-restaurant pati ang penthouse, meron na ring helipad hotel ngayon ang sikat na aktor-TV host.

​Magaling sa negosyo si Willie, ang kanyang talento ay hindi lang nakakulong sa pagho-host niya ng matagumpay na Wowowin, hindi man niya ipinagmamakai­ngay ay alam naming milyones ang kinikita niya sa pagba-buy and sell ng mga bahay at sasakyan.

​Ilang bahay ba ang meron siya sa Tagaytay? Ang kanyang mansiyon sa Quezon City ay kakalug-kalog dahil nag-iisa lang naman siyang nakatira du’n, kaya kapag weekend ay ipinasusundo niya ang kanyang mga anak at apo para sa kanilang pagba-bonding.

“Hindi naman sa sobra-sobra ang pe­rang meron ako. Gusto ko lang maiayos ang future ng mga anak ko. Kanino ba mapupunta ang lahat ng mga ipinupundar ko ngayon? Hindi ko ito madadala sa langit kapag nawala ako pero maiiwan ko ang mga anak ko na nasa magandang posisyon na,” sabi ni Willie.

​Nu’ng Biyernes nang gabi ay pinarangalan siya ng GEMS (Guild Of Educators, Mentors & Students). Pinakamataas na award ang ipinagkatiwala kay Willie, ang Natata­nging Hiyas Ng Sining Sa Telebisyon, marami siyang nakalaban sa kategorya.

​Pero paliwanag ng founder ng GEMS na si Mr. Norman Mauro Llaguno, “Merong botong landslide mula sa mga voting members ng GEMS, meron ding nagta-tie, pero sinisi­gurado naming isa lang ang magwawagi.”

​Maraming dahilan kung bakit kay Willie Revillame iginawad ang pinakamataas na parangal sa mundo ng telebisyon. Makatotohanan ang kanilang pinagbasehan na kahit saang network magkaroon ng programa si Willie ay sinusundan siya ng pagtangkilik ng ating mga kababayan dito at sa iba-ibang bansa man.

​Idagdag na rin natin na maraming buhay ng mga kapuspalad na Pinoy ang binibigyan niya ng bagong mukha. Lupa at bahay, sasakyan at isang mil­yong piso. Milagro ang nagagawa ng aktor-TV host sa mga kababayan nating pinapanawan na ng pag-asa sa buhay.

​At sa ibang bansa ay siya ang itinuturing na gamot sa kalungkutan ng mga senior citizen. May kaibigan kaming taga-Belgium, nakapagtatrabaho ito nang maayos sa maghapon dahil pinanonood ng kanyang ina nang walang kasawa-sawa ang Wowowin, ma­laking tulong si Willie sa matatanda nating kababayan sa ibang bansa.

​May magneto si Willie Revillame na wala ang ibang persona­lidad. Totoong-totoo para kay Willie ang kasabihan na binabasa ng Diyos ang nilalaman ng ating puso at hindi ang ating mga sinasabi.

***
NA-wow mali ang aming­ source tungkol sa relasyon ni Martin Nievera sa bilyonar­yong may-ari ng Solaire Resort & Casino na si Mr. Enrique Razon.

​Hindi pala tiyuhin ng Concert King ang businessman, magpinsang-buo sila, dahil ang magkapatid ay ang ama ni Mr. Enrique Razon at ang Mommy Conchita ni Martin.

​Very close ang magpinsan, binibigyan ng payo ni Mr. Razon sa pagnenegosyo si Martin, pero talagang nasa pagkanta ang puso ng Concert King.