Hiniling ng TV host/ comedian na si Willie Revillame na makausap si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kanyang programang “Tutok to Win” kung saan naging guest nito si Presidential Spokesman Harry Roque nitong Miyerkules ng hapon, ipinaabot ni Revillame ang interes na makausap ng personal ang Pangulo kahit saglit lang dahil mayroon aniya itong mahalagang sasabihin at may gustong ibigay para sa pamahalaan.
“Gusto kong makausap si Presidente to be honest with you, mayroon akong gustong ibigay sa pamahalaan. Ito ho ay galing sa akin, at ipinagdasal ko ito, pinag-isipan ko ito, kinausap ko yung aking partners, sabi ko puwede ko bang gawin ito? ,” ani Revillame.
Sinabi ng tv host na bukod kay Secretary Roque ay nakipag-ugnayan na rin ito kay senador Bong Go para makausap ang Presidente na tinugon naman at i-schedule ito.
Bagamat hindi nagbigay ng detalye si Revillame, sinabi nitong may kinalaman para sa mga Pilipino ang gusto niyang sabihin sa Presidente.
“Kung mamamarapatin nyo, kayo na ang maging tulay ko , kayo ni senator Bong Go kahit five minutes lang, mayroon lang akong gustong sabihin sa kanya at may gustong gawin para sa ating mga kababayan,” dagdag pa ni Revillame.
Sinabi pa ng tv host na si Pangulong Duterte ang tatay ng mga Pilipino , at anak niya ang mga mamamayan kaya siya pinagtitiwalaan ng mga ito.
Pabirong sinabi ng comedianne tv host na sana lang ay huwag siyang murahin ng Presidente kapag nagkita at nagkausap ang mga ito.
” Tatay siya eh, anak kami, wag lang nya akong mumurahin.,” wika pa ni Revillame.
Ayon sa tv host, sobra-sobra ang natatanggap nitong biyaya at nais niyang ibahagi ito sa mga tao lalo na ngayong panahon ng COVID crisis.
“Im so blessed, sobrang blessed akong tao at gusto kong makatulong lalo na ngayong panahon ng COVID crisis,” dagdag pa ni Revillame.(Aileen Taliping)