NAGHAHANAP na pala ngayon si Willie Revillame ng mga bagong co-host niya sa Wowowin.

Ilan sa mga gusto niyang isama ay si Andre Paras na tingin niya babagay sa isang bagong segment na i-introduce niya pagpasok ng 2018.

Ayaw na lang idetalye pa ni Willie ang dahilan nang pagtanggal niya sa mga co-host niya, pero obvious na nadismaya siya sa karamihan sa kanila na hindi na-prioritize ang Wowowin.

Dahil sa Wowowin, nakilala nga naman ang karamihan sa kanila kaya nagkakaroon sila ng maraming raket.

Okay lang naman daw kay Willie na tumatanggap sila ng mga raket na hosting o appearance sa labas, pero hindi nga naman maganda na napapanood ka ngayon, tapos kinabukasan wala ka dahil may raket, tapos balik na naman.

Nagiging irregular na ang appearance nila, na kapag wala sila, si Willie na naman ang sasalo sa segment na nakatoka sa kanila.

Naintindihan namin si Willie sa sentimiyento niyang iyun dahil twice a week lang naman yata ang taping nila sa Wowowin, bakit hindi pa nila ibigay ang araw na iyun para sa programang naglunsad sa kanila.

Sa mga bagong hanay na co-hosts na kukunin ni Willie, ang gusto niya sana ay mga bagong mukha at millennials kagaya ni Andre.

Inalok namin sa kanya ang isa sa mga promising talents ng GMA Artist Center na si Reese Tuazon, at na-impress si Willie sa ganda ng bagets.

Unti-unti na ngang nakikilala si Reese dahil sa pag-partner niya kay Alden Richards sa Magpakailanman na nakatikim nang pamba-bash sa ilang AlDub fans.

Bagay nga namang ilunsad siya sa Wowowin at subukan ang hosting skills niya at kung may dating siya sa mga tao.

Cong. Albee Benitez handang tumulong sa movie industry

ANG isa pang gustong-gusto nang mag-produce ng pelikula ay ang congressman ng 3rd district ng Negros Occidental na si Cong. Albee Benitez.

Umaasa pa rin si Cong. Albee na matutuloy ang dream project niya na mala-Oceans 11 na pagsasamahan ng mga malalaking artista.

Ang isa pa palang gusto niyang gawin ay isang fantasy movie na gagawin ni direk Peque Gallaga.

Bilang taga-Negros din si direk Peque, kinausap na niyang gumawa ng isang malaking fantasy movie na kung saan maglilikha siya ng mga bagong character na pasisikatin, kagaya ng Darna, Dyesebel at ilan pang mga sikat na Pinoy comic characters.

Meron kasi siyang pinapatayong malaking theme park sa kanyang bayan sa Negros Occidental na mala-Enchanted Kingdom.

Gusto niyang gamitin ang mga pasisikating character ni direk Peque na ilagay doon sa pinapatayong theme park.

Sobrang ambisyoso itong malalaking projects na gustong gawin ni Cong. Albee, okay lang sa kanya na gumastos siya nang malaki basta may makakatulong daw ito sa ating movie industry at pati na rin sa iba pa niyang projects na gagawin.

Gusto raw niyang pili lang ang mga pelikulang ipo-produce niya, kagaya ng Heneral Luna at itong Goyo na gustung-gusto na raw niyang panoorin.

“Selected movies lang talaga, ‘yung historical.

“Gusto ko ‘yung may substance. ‘Yung may meaning,” pakli ni Cong, Albee nang tinanong namin kung anong klaseng pelikula ang gusto niyang i-produce.

Biniro namin kung type ba niya ng mga sexy movies o mga commercial films na puwedeng maibalik agad ang puhunan.

“Kapag ginawa mo kasi ‘yun, parang gusto mo lang money-making eh,” sagot niya sa amin.

Sa totoo lang, gusto ni Cong. Albee na may maitulong siya sa movie industry na kahit hindi siya taga-showbiz, may concern siya sa mga pelikula nating hindi pa rin talaga lubusang sinusuportahan dito sa atin.