Maagang gumising si Willie Revillame nu’ng Martes, nakipagmiting siya agad sa mga technical people ng GMA-7, para sa mas malinaw at mas malakas na signal ng kanyang Tutok To Win ng kanyang programang Wowowin.
Nu’ng Lunes nang hapon ay sa helipad ng Wil Tower siya nag-show, medyo nagkakaroon ng problema sa signal, kaya nu’ng Martes ay lumipat siya sa 42nd floor ng Wil Tower.
Pinanood namin ang programa, maayos na ang kabuuan, naglagay na kasi sila ng mga booster sa lugar para sa mas maayos na pagsagap ng signal.
Anim na staff lang ang umaayuda sa kanya sa show, may live band siya, pero magkakalayo at naka-face mask ang mga miyembro nito.
Sa pagbubukas ng show ay kumanta si Willie habang ipinalalabas naman ang VTR ng mga frontliners na ibinubuwis ang kanilang buhay para makapagligtas ng mga kinakapitan ng COVID-19.
Naka-face shield siya habang kumakanta, talagang sumusunod sila sa mga ipinagbabawal ng DOH, meron pa siyang hawak na metro para sukatin ang layo niya sa staff bilang pagtugon sa social distancing.
Walang ibang gagawin ang mga kababayan natin kundi ang tumawag lang sa numerong ibinigay niya, meron siyang napakasimpleng tanong lang na kapag nasagot ng caller ay agaran na niyang bibigyan ng papremyong sampung libong piso, grabe ang kaligayahan ng mga nananalo sa Tutok To Win.
Ito nga naman ang panahon na matindi ang pangangailangan ng mga kababayan nating hindi makapagtrabaho dahil sa pinaiiral na enhanced community quarantine. “Pambili n’yo ito ng bigas,” palaging sinasabi ni Willie, dahil gintong-ginto nga naman ngayon ang pambili ng bigas ng ating mga kababayan.
Revillame nakabalik na sa Maynila
Dumaan sa tamang proseso si Willie Revillame para makabalik na siya sa Maynila mula sa tatlong linggo niyang pananatili sa kanyang beach house sa Puerto Galera.
Du’n siya inabutan ng lockdown kasama ang ilang staff niya. Pero sa kanyang sariling kapasidad ay ipinagpatuloy pa rin ni Willie ang pagtulong sa mga tagaroon.
“Hindi ako mapakali kapag ganito ang sitwasyon. Kung nakatutulong ako sa kanila nu’ng wala pang lockdown, mas kailangan nila ng suporta ngayon.
“Ramdam ko sila, lalo na ang mga manggagawang pinagbawalang magtrabaho dahil sa lockdown. Tama lang na sumunod sila, pero siyempre, pinoproblema nila ngayon ang ikabubuhay ng mga pamilya nila,” pahayag ng TV host.
Kinausap ni Willie ang kanyang mga boss sa GMA-7, nagkaintindihan naman sila sa plano nilang gawin para sa Wowowin, kaya lumipad sila agad nu’ng Linggo nang umaga pabalik sa Maynila.
Kilalang-kilala namin ang puso ni Willie Revillame. Pagtulong sa kapwa ang pinagmumulan ng kaligayahan niya. Hindi na kinakatok ang kanyang puso ng mga tunay na nangangailangan dahil nararamdaman niya ang ganu’ng posisyon.
Lagi niyang kuwento sa amin, “Alam mo ba na ang pinakamasayang araw ko, e, kapag may mga natutulungan ako sa Wowowin? Lalo na pag may nakakakuha ng jackpot na one million, kotse at house and lot, talagang sobrang saya ko!
“Ang sarap-sarap kasi sa pakiramdam ng ganu’n na kahit paano, e, nababago natin ang takbo ng buhay ng mga kababayan natin.
“‘Yun ang happiest moment ko kapag pauwi na ako, sobrang saya ko talaga kapag may mga taong nagiging masaya dahil sa show,” kuwento ni Willie.
Kaya naman hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang pag-agos ng biyaya sa kanyang karera. May inilalabas man siya ay ibinabalik ‘yun nang maraming beses ng kapalaran sa kanya.