Willie nilaglag si Janno

Kalat na ang umano’y ‘unprofessionalism’ ni Janno Gibbs.

Pinag-usapan noong Pebrero ang pag-indiyan niya sa concert nina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo. Nag-sorry naman siya at nagpaliwanag na nagkasakit dahil lagare siya sa dalawang pelikula.

Di rin siya sumipot bilang guest sa birthday concert ni Kiel Alo sa Music Museum.

Nagmarka rin ang hindi niya pagdating bilang isa sa host ng Star Awards for Music ilang taon na ang nakakaraan.

Kahit si Willie Revillame ay nabiktima na rin ni Janno na hindi sumipot sa kanyang game show.

Kamakailan ay guest ni Willie si Dingdong Avanzado kahit nasa ilalim pa rin tayo ng ECQ.

Tinanong ni Willie kung sino-sino ang mga kasabayan niya sa industriya.Pakli naman ni Dingdong ay sina Janno Gibbs at Ariel Rivera.

Unang inimbita ng tv host si Ariel kung puwedeng kumanta sa kanyang live show.

Pero natawa na lang siya pagdating kay Janno.

“Kung pupunta si Janno, why not. ‘Di ba? E, ang galing kumanta ni Janno, e. Idol din ‘yan. Ano, Janno nu’ng nag-uusap tayo ‘di ka na tumawag,” sambit ni Willie .

“ ‘Tawagan kita, ge-guest ako sa ‘yo.’ Pero hindi kami natutuloy palagi, e,” hirit pa niya.

Anyway, nag-OPM (Oh, Promise Me) si Janno kay Willie na after ECQ ay magpe-perform na siya.

‘Yan ang abangan.