Mas gugustuhin ni Senatorial candidate Doc Willie Ong na gastusin ang kanyang P100 milyon para tulungan ang mga nangangailangang pasyente kesa sayangin ito sa political advertisements.
“Wala po tayong pera para sa mamahaling ADS dahil kung gagastos lang rin ako ng 100 million pesos, ipamimigay ko na lang ito sa aking mga pasyente,” ani Ong sa isang Facebook post.
Dahil walang pondo si Ong para makabili ng political ads, umaasa ngayon ang aspirante sa senado sa social media upang maabot at makumbinsi ang publiko na suportahan ito sa nalalapit na May polls.
Sa sandaling magwagi, nangako si Ong na isusulong nito ang healthcare ng mga Pilipino partikular na ng mga senior citizen.
“Kung ako lang, mas madaling tumulong sa pribadong sektor, kaso limitado lang ang aking kakayahan bilang pribadong doktor. Kung tayo ay mag me-medical mission higit 200 na tao lang ang kaya kong tulungan,” sabi nito.
“Kapag tayo ay nasa Senado na, batas ang mapapalitan natin, yung 200 na matutulungan natin magiging 60 Million na miyembro ng Philhealth,” dagdag nito.